Maaari Ba Akong Magsalita Ng Sariling Wika?

Written By: Rocio Rosales, PhD, BCBA-D, LABA

Translated By: Beatriz Querol-Cintrón, MA, BCBA, LABA

Ayon sa pinakahuling pagtatantya ng Census Bureau, mayroong hindi bababa sa 350 na wika ang nagagamit sa mga tahanan sa Estados Unidos. Sinasabi rin sa pinakahuling datos na ang karagdagang paglaganap ng autismo, i.e., autism spectrum disorder (ASD), ay nakikita sa mga pamilyang iba’t-ibang lahi, etnisidad, at katayuan sa buhay, pati na yung mga may kalawakang lingguwistika ang pinagmulan.

Maaari Ko Bang Palakihin Ang Aking Anak Na May Autismo Na Maging Bilingguwal?

Tulad nang naipahayag ko sa isa kong naunang post sa blog, ipinapaalam ng pananaliksik sa aming larangan na ang namumuong koneksyon habang kinakausap ng isang magulang ang kanilang anak ay napakahalaga. Kung ang mga magulang ay limitado sa pagsasalita ng isang wika na hindi nila nakasanayan, ang pakikipag-ugnayan na ito ay madaling mawala. Sa kabila ng maraming dokumentadong benepisyo ng pagpapalaki ng isang bilingguwal o multilingguwal na bata, ang mga magulang ng mga batang may ASD na hindi katutubong nagsasalita ng Ingles ay madalas na nahaharap sa mahirap na desisyon kung dapat ba silang makipag-usap sa kanilang anak gamit ang sariling wika o magtangkang makipag-usap gamit ang Ingles. Ito ay isang katanungan na madalas kong marinig: “Dapat ba akong makipag-usap sa kanya gamit ang (aking sariling wika)?” o “Narinig ko na maaari siyang malito…at/o maaantala ang kanyang pagsasalita kapag gamitin ang higit sa isang wika.”

Makatuwiran para sa mga magulang na magtanong sa mga propesyonal dahil ang pangunahing katangian ng ASD ay ang kahirapan at/o pagkaantala sa pananalita at pakikisalamuha. Ngunit kapag dumating ang mga katanungang ito, kailangang ipakita ng mga propesyonal ang katotohanan: hanggang ngayon, wala pang dokumentadong katibayang sumusuporta sa paniniwala na ang mga magulang ay dapat makipag-ugnayan sa kanilang anak gamit lamang ang iisang wika. Sa kasamaang palad, mayroong iilang mga propesyonal na gumagawa ng rekomendasyon na magsalita lamang sa Ingles kung ang pamilya ay naninirahan sa Estados Unidos, sa kabila ng kakulangan ng batayang pang-agham sa paggawa nito. Ang rekomendasyong ito, batay sa pananalaysay o simpleng kutob, ay siguradong makakaapekto sa dinamiko ng pamilya.

Maaari at Dapat Gawing Mas Mabuti

Maraming pag-aaral ang naghambing sa potensyal ng mga batang billinguwal na may ASD sa mga kapwa nilang monolingguwal. Naging labis na positibo ang mga resulta. Iniulat sa isang pag-aaral na ang mga batang may ASD na lumaki sa billinguwal na bahay ay hindi nakaranas ng karagdagang pagkaantala sa wika nung inihambing sila sa mga kapwa nilang monolingguwal. May mga naiulat pang pananaliksik na nagpakita na walang makabuluhang pagkakaiba sa pagpapahayag o pagtanggap ng wika sa pagitan ng mga billinguwal at monolingguwal na mga batang may ASD. Sa katunayan, naiulat sa isang pagsusuri na mas maraming pang naibigkas at nagamit na mga kilos ang mga billiguwal na batang may ASD nung inihambing sa grupo ng mga batang monolingguwal. Mayroon pang mas kamakailang pag-aaral na nagpakita na mas mahusay pang nagawa ng mga billinguwal na estudyanteng may ASD ang isang gawain na kinailangan ang mabilisang paglipat ng mga tungkulin sa isang pagtatasang nakakompyuter.

Namumuno rin sa pananaliksik sa mahalagang paksang ito ang mga applied behavior analysts. Halimbawa, kamakailan lang, may nailathalang pag-aaral na nagpakita ng kalinawagan sa kagustuhan ng mga batang makatanggap ng tagubilin sa wikang nakasanayan sa bahay, lalo na’t kapag pahirap nang pahirap ang pinapagawa sa kanila. Katulad nito, mayroon pang dalawang pag-aaral na nagpakita ng mas mataasang antas ng mapaghamong pag-uugali na sagabal sa pagkatuto kapag naipahayag ang tagubilin sa Ingles, at mas mataasang antas ng wastong pagsasagot kapag naipahayag ang mga tagubilin sa wikang gamit sa bahay. 

Isang komentaryo ay nailathala kamakailan lang na nagbibigay ng tatlong kapaki-pakinabang na mungkahi para sa mga klinikang nakikipag-ugnayan sa mga batang may ASD na nakatira sa multilingguwal na bahay. Una, kinakailangang itanong ng mga klinika sa pamilya ang kanilang pamamaraan ng paggamit ng wika. Sa madaling salita, huwag bumuo ng anumang pagpapalagay. May kanya-kanyang kagustuhan at pangangailangan ang bawat pamilya at ang pagtanong tungkol sa kanilang mga kagustuhan ay isang mahusay na pamamaraan para mabuo ang kanais-nais na ugnayan. Pangalawa, tuluyang tugunan ang potensyal na takot ng mga magulang sa pagkakalantad ng dalawang wika. Nakahagilap ako ng mga pamilya na pinili ang pagsasalita

lamang ng Ingles sa kanilang mga anak. Ang pagpili na ito ay nararapat igalang. Sa kabilang banda, kapag ipinahiwatig ng isang pamilya ang kagustuhan nilang matuto ang kanilang anak ng wikang gamit sa bahay, dapat maramdaman ng pamilya ang pagsuporta ng klinika. Maaaring suportahan ng mga monolingguwal na klinika ang mga bilingguwal na mga magulang sa pamamagitan ng paglikha ng mga materyales sa wikang Ingles at pantahanan na puwedeng gamitin kasama ang anak. Maaari ring gamitin ng mga klinika ang pagsasalin sa Google, sakaling maipaabot ang agarang mga pangangailangan sa mga miyembro ng pamilya (mahusay at gumana ito sa mga tagahanga ng 2018 World Cup…pero hindi ko inirerekumenda o itinataguyod ang paggamit nito bilang kapalit sa bihasang tagapagsalin o, mas mahusay pa, isang teraprutang billinguwal!).

Saan Tayo Pupunta Galing Dito?

Tulad ng iba’t-ibang panig ng pananaliksik sa autismo, kinakailangan pa natin ng mas maraming datos. Gayunpaman, masasabing naligaw ng landas ang katibayang natatamo sa ngayon na masidhing nagmumungkahi na magsalita lamang ng Ingles sa mga anak na may ASD. Kung may pagkabahala na baka “mawala sa pagsasalin” ang bata, maaaring turuan ang mga magulang na gumamit ng wika na nasa kasalukuyang antas ng kanilang anak (hal., ulitin ang nag-iisang salita, gumamit lamang ng dalawang salitang parirala, o gumamit ng kumpletong mga pangungusap). Nalalagay sa alanganin ang mga pamilya kapag hinihiling natin sa mga magulang na makipag-usap sa kanilang anak sa wikang hindi nila nakasanayan o kinagisnan. Potensyal na nalilimitahan ang saganang karanasan sa pagitan ng bata at magulang sa aspetong panlipunan, pangkultura, at pang-emosyon. Dahil sa mga ganitong panganib, ang kakulangan ng pananaliksik sa naturang mungkahi, at ang mga kamakailang natuklasang pagsuporta sa paggamit ng katutubong wika, tila walang magandang dahilan na payuhan ang mga magulang na makipag-usap sa kanilang anak gamit lamang ang Ingles kung sapat na sa kanila ang paggamit ng sariling wika.

Bilang mga behavior analysts, umaasa kami sa agham upang makapagbigay ng pananaw sa mga gumaganang ugnayan na hinahangad naming maunawaan. Gumagamit kami ng mga pagsasanay na nakabatay sa katibayan (o kilala bilang evidence-based practices) upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga populasyon na inililingkod namin. At ngayon, nagsusumikap kami na madagdagan ang pag-unawa sa kultura at pagkakaiba-iba sa aming larangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang lumalaki’t sari-saring populasyong sa Estados Unidos.

Images are from www.affordablecebu.com and www.pngwing.com.

Beatriz Querol-Cintrón is a Massachusetts-licensed (LABA), board certified behavior analyst (BCBA®) with a Master of Science in Autism Studies from the University of Massachusetts in Lowell, MA, USA, and a Bachelor of Science in Psychology from the Ateneo de Manila University in Quezon City, Philippines. Earlier this 2021, she set up Cocoon Behavior Solutions, an online behavior analytic assessment, training, and supervision platform that caters to individuals with autism, their families, and respective behavior technicians and assistant behavior analysts across Southeast Asia, South Asia, and the Middle East. She also currently externs with the Association for Science in Autism Treatment. Beatriz’s research interests include school-based functional behavior assessments, multitiered systems of support, and trauma-informed and culturally responsive practices in behavior analysis.